WELCOME sa susunod na administrasyon ang plano ng kampo ni Vice President Leni Robredo na gawing isang non government organization ang Angat Buhay program nito.
Sa panayam ng dzBB sa tagapagsalita ni presumptive President Bongbong Marcos Jr. na si Atty. Vic Rodriguez, sinabi nito na kailangan ng papasok na administrasyon ng lahat ng tulong para matugunan ang problema ng bansa sa ekonomiya at sa kinakaharap pa rin nitong pandemya.
“Narinig namin, okay naman ‘yan kung ang talagang layunin ay maipangat ang buhay ng bawat Pilipino. Sino ba naman ang hindi nagnanais na maging mabuti at mas maayos ‘yung buhay ng kapwa natin Pilipino,” ani Rodriguez.
Anya, patuloy na naghahanap ang kampo ni Marcos ng mga inidibidwal na tutulong at magtatrabaho sa kanyang administrasyon. Kailangan lang anya ay sapat ang kakayanan nito na pagsilbihan ang publiko, may pagmamahal sa bayan, nirerespeto ang Konstitusyon at hindi kailanman magpaplanong patalsikin ang gobyerno.
“That is why I have been very vocal, bukod sa magaling, bukod sa competent, ang number one qualification para maging bahagi ng incoming Bongbong Marcos administration, kinakailangan may pagmamahal sa bansa, ‘yung kinikilala ‘yung watawat, ‘yung Republika ng Pilipinas at may respeto sa Saligang Batas,” paliwanag pa ni Rodriguez.