SINABI ni Justice Secretary Boying Remulla na kinumpirma mismo ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) na may idineposito ngang P550,000 para sa self-confessed gunman na si Joel Escorial kaugnay ng pagpatay sa broadcaster na si Percy Lapid.
Sa isang panayam sa DZBB, idinagdag ni Remulla na umabot ng halos tatlong linggo ang pagdedeposito ng P550,000 sa bank account ni Escorial.
“Maraming deposits, within a span of three-week period, at least 20 days. Iba-iba yan (nagdeposito) ipapaliwanag ng NBI pagdating ng Lunes. Sila yung may alam ng mga detalye. Ang trabaho ko dito to make sure they get the witnesses they need,” sabi ni Remulla.
Idinagdag ni Remulla na inaasahang mas marami pa ang kakasuhan ng NBI sa Lunes.
“Ang nakasuhan ay lima or anim na… tapos may tatlong gang leader, at meron mga kasamang lima pa so walo pa yun, so 14 na yun, tapos meron pang dumating na iba kaya mahigit 15 pa yan,” dagdag ni Remulla.
Nauna nang sinabi ni Remulla na kabilang sa kakasuhan ng NBI sa Lunes ang sinasabing utak ng pagpatay kay Lapid.
“Meron pa kaming sinisimot na may participation dito na related ang kanilang pagiging co-accused, kasi iniimbestigahan pa rin,” ayon pa kay Remulla.