Alan Peter pala-absent sa Senado

NAKAPAGTALA ng pinakamaraming absences mula July 2023 hanggang ngayong buwan sa Senado si Sen. Alan Peter Cayetano, na matatandaang pinintasan ang pagliban ni Pangulong Bongbong Marcos sa vice presidential debate noong kasagsagan ng kampanya para sa 2016 election.

Base sa tala mula sa Senate Legislative Journal Service, sa 54 na regular plenary sessions ng Senado mula July 24, 2023 hanggang Feb. 21 ngayong taon, 36 sessions lang ang dinaluhan ni Cayetano.

Sa ulat ng PDI, sa mga pagkakataon na pumasok si Cayetano ay 16 beses naman siyang nahuli sa proceeding na karaniwan ay nagsisimula alas-3 ng hapon.

Napag-alaman naman na sa apat na beses niyang pagliban ay nasa labas siya ng bansa para sa “official trip.”

Pumapangalawa naman sa listahan si Sen. Nancy Binay, chairperson Senate ethics committee, na may anim na pagliban habang tig-lima sina Sen. Francis Escudero at Sen. Sonny Angara.

Wala namang absent sa 54 session days sina Senate President Juan Miguel Zubiri, Senate President Pro Tempore Loren Legarda, at Majority Leader Joel Villanueva. Perfect din ang attendance ng mga senador na sina Ronald “Bato” dela Rosa, Sherwin Gatchalian, Christopher “Bong” Go, Risa Hontiveros, Robinhood Padilla, Ramon Revilla Jr., Raffy Tulfo at Cynthia Villar. Dalawa naman ang absences nina JV Ejercito, Imee Marcos at Mark Villar, tatlo kina Lito Lapid, Grace Poe at Koko Pimentel III, at pito kay Francis Tolentino.