HALOS 90 porsyento ng mga Pinoy ang naniniwala na problema talaga ang pagkalat ng fake news, ayon sa survey na isinagawa ng Pulse Asia Research.
Sa sinasabing survey na isinagawa noong Setyembre 17 hanggang 21, itinuturo ang mga social media influencers at mga journalists ang silang pangunahing dahilan ng pagkalat ng fake news.
Ayon dito, 58 porsyento ng mga Pinoy ang naniniwala na ang mga bloggers at vloggers o ang mga sinasabing media influencers ang pangunahing nagpapalaganap ng mga maling impormasyon tungkol sa pamahalaan at politika.
Nasa 40 porsyento naman ang naniniwala na kagagawan ito ng mga journalists habang 37 porsyento namay ang mga national politicians, 30 porsyento ang local politicians, 15 porsyento ay mga lider ng civic o nongovernment organizations, 11 porsyento ay mga negosyante at 4 porsyento ay mula sa akademya.
Tinanong ng Pulse Asia ang 1,200 katao para sa nasabing survey.