NASA 60 porsiyento ng mga Pinoy ang pabor sa pagpaparehistro ng SIM Card.
Ito ay base sa isinagawang survey ng Social Weather Station na ginawa mula Setyembre 29 hanggang Oktubre 2.
Sa resulta ng survey, lumalabas na 45 porsiyento ng mga Pilipino ang nakaaalam sa panukala isang linggo bago pirmahan ni Pangulong Bongbong Marcos ang Republic Act No. 11934 o Subscriber Identity Module (SIM) Registration Act bilang ganap na batas.
Ayon pa sa SWS, 55 porsiyento ng mga respondent ang nagsabi na nalaman lamang nila ang batas nang magsagawa ng survey.
Sinabi pa ng SWS na bukod sa 60 porsiyento na pabor sa batas, 66 porsiyento ang naniniwala na makatutulong ito para labanan ang mga krimen gamit ang cell phones, at 48 porsiyento naman ang sumang-ayon na makapagkakatiwalaan ang mga telcos at mga nagbebenta ng SIM card para protektahan ang impormasyon ng mga bumibili.
Gumamit ng face-to-face survey sa 1,500 na respondents sa buong bansa.