PANALO ang Pasko ng apat na manggagawang Pinoy na na-repatriate mula sa Lebanon at Israel makaraan silang magwagi ng condominium units sa “Pamaskong Handog” ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Nitong Martes ay pinangunahan nina Marcos at First Lady Liza Araneta Marcos ang isang Christmas gathering sa Heroes’ Hall ng Malacañang para sa tinatayang 500 repatriates.
Ayon sa Pangulo, hindi matatawaran ang sakripisyo ng mga OFW at ang malaking kontribusyon sa pagsulong ng bansa.
“Kaya napakaganda ang naging reputasyon natin.Hindi ko na kailangang ipagmalaki ang Pilipinas. Ang mundo ang nagmamalaki sa Pilipino sa akin. Kayo ang naging katunayan na kayang-kayang makipagsabayan ng mga Pilipino sa talent, sa talino, sa husay ng mga pinakamagagaling sa mundo,” aniya sa talumpati.
“Higit pa riyan, ang tulong na inyong binabalik sa ating bansa sa pamamagitan nang pagpapadala ng mga remittance ay talaga naming hindi mapapantayan,” dagdag ni Marcos.
Binigyan ng P10,000 livelihood assistance at grocery packs ang mga dumalong OFWs habang apat sa kanila ang nagwagi ng condominium units sa Palayan City, Nueva Ecija sa isinagawang raffle.
“Ito pong pagtitipon natin ngayon ay isa sa mga paraan ng pagpapaabot ng aming taos-pusong pasasalamat at pagsasaludo sa inyo,” ani Marcos.
“Kayo ang naging katunayan na kayang-kaya makipagsabayan ng mga Pilipino sa talento, sa talino, sa husay ng mga pinakamagagaling sa buong mundo,” pagpupugay pa niya sa mga OFWs.