NAGBABALA ang isang political analyst na posibleng magaya ang opposition coalition 1Sambayan sa Otso Diretso na wala ni isang kandidato ang nanalo sa halalan noon 2019.
Sinabi ni UP-Diliman professor Aries Arugay na dapat matuto ang 1Sambayan sa mga pagkakamali ng mga kandidato ng Otso Diretso.
Ayon kay Arugay, imbes na si Pangulong Duterte ang puntiryahin ng 1Sambayan, ang mga kalabang kandidato ang dapat pagtuunan nito ng pansin.
Samantala, naniniwala si Arugay na marami ang tumanggi na makasama sa mga nominado sa pagkapangulo ng opposition coalition dahil na rin sa kredibilidad nito.
Ilan sa mga personalidad na umayaw na maiugnay sa grupo sina Sen. Nancy Binay, Sen. Panfilo Lacson, Sen. Grace Poe, Manila Mayor Isko Moreno, Lawyer Chel Diokno, at religious leader Bro. Eddie Villanueva.
Kaugnay nito, sinabi nina political analyst Ramon Casiple at political strategist Armand Dean na dapat nang isapubliko ng mga nais kumandidato sa pagkapresidente at pagkabise presidente ang kanilang pagtakbo.
Naniniwala ang dalawa na nagpapakiramdaman pa ang mga kandidato dahil sa posibilidad na makalaban nila si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio.
“Mayor Sara has the resources and backing ng tatay niya. Dahil masyadong malakas si Mayor Sara, nag-iisip na sila kung may chance talaga sila,” ani Nocum.
“Malakas ang administrasyon…kaya siguro tumatagal at walang nagsasabi,” ayon naman kay Casiple. –WC