NAGDEKLARA ng 10-day national mourning si Pangulong Duterte bilang pagkilala sa yumaong dating Pangulong Benigno Simeon “Noynoy” Aquino III.
Magsisimula ang araw ng pagdadalamhati ng sambayanan simula Hunyo 24 hanggang Hulyo 3, 2021, base na rin sa inilabas ng Malacanang na Proclamation No. 1169.
Inatasan din ni Duterte na ang mga bandila ng Pilipinas sa lahat ng pampublikong tanggapan ng pamahalaan ay dapat ilagay sa half-mast sa loob ng 10 araw ng pagdadalamhati.
“In this regard, the national flag shall be flown at half-mast from sunrise to sunset on all government buildings and installations throughout the Philippines and abroad for a period of 10 days,” pahayag ni Duterte.
Ang paglalagay sa half-mast ng bandila ay “sign of mourning on all buildings and places where it is displayed,” ayon sa Flag and Heraldic Code of the Philippines.
Una na ring nagpahayag ng pakikiramay ang pangulo sa pamilya ng dating presidente na yumao alas-6:30 ng umaga Huwebes habang nilalapatan ng lunas sa Capitol Medical Center sa Quezon City bunsod ng renal failure secondary to diabetes.