NAGBABALA ang World Trade Organization (WTO) na posibleng tumaas ang presyo ng mga pagkain dahil sa economic impact dulot ng nangyayaring tensyon sa pagitan ng Ukraine at Russia.
“There’s going to be a big impact with respect to wheat prices and prices of bread for ordinary people as well,” ayon kay WTO chief Ngozi Okonjo-Iweala.
Sinabi ng opisyal na ang Ukraine ang isa sa pinakamalaking exporter ng wheat sa buong mundo.
Samantala, iginiit ni International Monetary Fund (IMF) chief Kristalina Georgieva ang mga naunang babala nito tungkol sa panganib sa ekonomiya.
Binigyang-diin niya ang posibleng mabilis na pagtaas ng inflation sa gitna ng pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo at trigo.
Pumalo sa $100 kada bariles ang presyo ng langis nitong Huwebes, unang pagkakataon simula noong 2014.