Spot on: 5 paraan para malaman kung job abroad scammers

KAHIT pandemya, marami pa ring nananamantala sa kalagayan ng ating mga kababayan.
Talamak na ang pambibiktima ng mga job abroad scammers dahil pati ang pagsasabog nila ng lagim sa social media ay hindi na rin mapigilan dahil libre nga naman mag-post.

Ngunit paano ba malalaman na legit or legal ang inaalok na trabaho sa iyo abroad?

Kung isa ka sa nagbabalak magtrabaho sa abroad, narito ang guide para hindi ka ma-scam.
Makikita rin ang guide na ito sa website ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA):

1. Lahat ng job openings abroad ay nakarehistro sa POEA website

Lahat ng employers abroad ay nakarehistro sa POEA. Ang mga foreign employers ay kumukuha ng ahensya at may mga karampatang papeles o dokumento ito na pinapa-approve sa mga Philippine Overseas Labor Office (POLO) or Philippine Labor Consulate.

Dahil dito, tinatanggap ito ng POEA basta nasusunod ang mga nararapat na sweldo, living conditions, contract duration at kung ano pang benepisyo ayon sa bansang pupuntahan mo.

Makikita mo ang mga job openings kung ito ay iki-click mo:

https://www.poea.gov.ph/cgi-bin/JobVacancies/jobsMenu.asp.

2. Kumuha ng POEA eRegistration at Pre-Employment Orientation Seminar (PEOS) sa POEA website

Libre ito! Maliban dito, may mga guide din ang POEA na dapat mong malaman para makuha ang mga information tungkol sa pag-aaplay abroad at mga kundisyon sa bawat bansa.

May walong modules ito na dapat mong tapusin upang ikaw ay makakuha ng electronic certificate. Hindi ka maila-lineup up para sa interview ng employer kung wala kang certificate. Hinihingi ito ng mga ahensiya kapag ikaw ay nag-a-aplay ng trabaho sa abroad.

Click ang link na ito para ikaw ay makakuha ng eRegistration at PEOS:

https://onlineservices.poea.gov.ph//OnlineServices/POEAOnline.aspx

3. Ang recruiter ay POEA-licensed

Maraming kokontak sa iyo lalo na kung ikaw ay nagbabasa ng mga post ng mga pina-follow mo na groups sa Facebook or Page ng mga ahensya para malaman ano ang mga latest na trabaho abroad. May mga instructions na nakalagay sa bawat posts nila kung paano ka mag-aplay.

TIP: Huwag kang maglalagay ng mga detalye tungkol sa iyo kagaya ng iyong buong pangalan, cellphone number at email address. Kinukuha ito ng mga scammer at kayo ay tatawagan at papangakuan na mas mabilis ang proseso sa kanila.

4. Ang mga legal na recruiter ay hindi naniningil agad

Walang reservation o slot na tinatawag para ikaw ay mag-apply sa mga openings. Kung qualified ka ayon sa requirements na hinihingi ng agencies, apply ka lang.

Take note: magpapakilala sila sa iyo na sila ay taga agency at may mga proseso sila na susundin mo.

TIP: Magduda ka na kung sa bawat kibot ng aplication mo ay hihingi siya ng pera sa iyo. May kiyemeng interview din yan sa telepono, tapos bibigyan ka ng job offer sa email or sa Facebook messenger or whatsapp. Ipapamedikal ka at mamadaliin kang magbayad ng mga fees (tingi pa nga minsan). Kadalasan, sasabihan ka nilang ideposito na lang ang bayad sa mga money remittance centers or mobile paying app gaya ng Gcash or Paymaya at hindi ka bibigyan ng resibo.

5. Bumisita personally sa mga Public Employment Service Office (PESO)

Malaki ang maitutulong ang pagbisita sa PESO para malaman ano ang legal. May mga partner silang mga local and POEA-licensed agencies na pwede nila i-refer sa iyo.

Para maging educated ka at malalaman kung ang iyong kausap ay legal, palaging bisitahin ang website ng POEA or i-follow ang Facebook page ng POEA Anti-Illegal Recruitment (https://www.facebook.com/airbranch).

Abangan ulit sa Friday at magbibigay ulit na naman tayo ng tips sa pag-a-aplay abroad.