NAHAHARAP sa patong-patong na kaso ang pharmaceutical company sa Indonesia makaraang madiskubre na nagbebenta at gumagamit ang ilang tauhan nito ng ni-recycle na Covid nasal swab test kits.
Nabuking ang modus ng mga tauhan ng Kimia Farma nang magreklamo sa otoridad ang maraming pasahero sa airport sa siyudad ng Medan sa North Sumatra na nagkaroon ng false positive na resulta.
Bago makalipad ay kinakailangan munang magkaroon ng negative test.
Nag-alok naman ang otoridad ng testing sa mismong airport.
Ang ginamit nilang antigen rapid test kits ay mula sa Kimia Farma.
Nagsagawa ng operasyon noong isang linggo ang pulisya bunsod ng mga reklamo.
Nang magpositibo ang undercover agent ay sinugod ng mga alagad ng batas ang testing site. Doon ay nadiskubre ang mga recycled na test kits.
Limang empleyado ng Kimia Farma na nasa likod umano ng scam ang nasakote sa serye ng pag-aresto.
Sa tantiya ng mga imbestigador, mula pa noong Disyembre nago-operate ang mga pasaway na empleyado. Nasa higit 9,000 katao naman ang pinaniniwalaang na-test gamit ang ni-recycle na swab stick.