Pulis ‘di binigyan ng libreng burger, 19 resto crew members kalaboso

IKINULONG ang 19 na crew members ng isang fastfood restaurant sa Lahore, Pakistan makaraan nilang tanggihang bigyan ng libreng hamburger ang mga pulis.


Pitong oras ikinulong ang mga manggagawa ng Johnny & Jignu, na karamihan ay mga kabataan at estudyante.


Ayon sa ulat, humingi ng mga libreng hamburger ang mga pulis para ipakain sa kanilang bisita pero tumanggi ang crew. Nagalit umano ang mga pulis at kinaladkad ang lahat ng kawani ng fastfood restaurant sa presinto.


Agad namang sinuspinde ang mga pulis nang kumalat ang balita.


Sinabi ng management ng Johnny & Jignu na hindi iyon ang unang pagkakataon na gustong magpalibre ng mga pulis.


Napag-alaman na nanghihingi rin umano ng lagay ang nasabing mga pulis sa ilang negosyante sa Lahore.