Pinay nurse inatake ng palaboy sa Times Square, patay

NASAWI ang isang Pinay nurse matapos na atakihin ng isang palaboy habang naglalakad sa Times Square, New York noong Biyernes.

Kinilala ang biktima na si Maria Luningning Ambrocio, 58, isang oncology nurse sa Bayonne Medical Center sa New Jersey.

Sa isang panayam sa DZMM, sinabi ni Michelle Sta. Maria-Magallone, spokesperson ng pamilya, kasama ng kanyang tita ang isang kaibigan na naglalakad sa Times Square matapos dumalo sa isang kasal nang bigla na lamang suntukin ng isang palaboy.

“Kasama niya ang BFF niya si Tita Emmy, kasama niya rin sa ospital sa New Jersey, they were walking. She heard a loud na lumagapak sa pavement, the next thing she knew, nakita niya si Tita Ningning na unconscious at nagkakaroon ng seizure, yun po and she asked someone to call 911 and rushed her to the hospital,” sabi ni Sta. Maria-Magallone.

Idinagdag ni Sta. Maria na tinanggal ang respirator ng biktima noong Oktubre 9 sa Amerika (Oktubre 10 sa Pilipinas).

Nahuli naman ang suspek at nasa kustodiya na ng New York police.