DUBAI, United Arab Emirates – Bulabog kamakailan ang Filipino community dito sa Dubai nang kumalat sa social media ang larawan ng mga overseas Filipino workers (OFWs) na nakapila sa labas ng tanggapan ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) ng madaling araw.
Mga papaalis ng Dubai ang mga OFWs at kailangang makakuha ng employment contract verification para naman maisyuhan ng Overseas Employment Certificate (OEC). Ang OEC ay kailangang ipakita sa airport sa Pilipinas bago sumakay ng eroplano pabalik ng Dubai – kung walang OEC, di makalilipad ang OFW.
Ang masaklap pa n’yan ay may ilang linggo nang naging ganito ang galawan sa pagkuha ng contract verification at OEC. Kaya nga naman muling nanumbalik ang panawagan ng mga OFWs na ibasura ang dokumentong ito.
Para saan ba ang OEC?
Ayon sa mga otoridad, ito ay nagpapatunay na ang OFW ay may trabaho sa bansang babalikan.
Teka muna!
May listahan o database ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ng mga documented OFWs. Tanging kailangang gawin na lang ay i-cross check sa listahang ito ang pangalan ng OFW pagdating niya sa airport. Kung wala sa listahan, offload na yan.
Bukod sa nagsilbing katunayan ang OEC na naproseso nga ng POEA ang OFW, nagsisilbi din itong travel tax and terminal fee exemption – na pwede namang ipagkaloob basta nga lang nasa listahan ang papa-alis na OFW.
Kaya naman nagngingitngit ang mga OFWs sa sobrang abalang likha ng OEC na bagamat P142 lang ang halaga ay umuubos naman ng napakaraming oras para makakuha. Mangyari ay ganyan din ang siste ng mga OFWs na nasa Pilipinas: alas-4 pa lang ng madaling araw ay nakapila na sa POEA.
Kinapanayam ko ang ating Labor Attaché dito sa Dubai, si Ginoong John Rio A. Bautista tungkol sa panawagang ito ng mga OFWs at maayos naman ang kanyang sagot.
Aniya: “It’s for the higher officials and the POEA Governing Board to decide on. We are just implementing the regulations.”
Paliwanag pa ng POLO: Dumami ang bilang ng mga papauwing OFWs dahil wala ng quarantine requirements pagdating sa Pilipinas habang mababa naman ang pamasahe dulot ng nagaganap na Ramadan nang mga linggong iyon.
“More than double ang clients these past weeks. Nasa mga 700 to 800 daily, unlike before na 300 to 400 on regular days,” sabi ni Labatt Bautista.
Dagdag pa nya, yung mga pumipila ng madaling araw ay yaong mga walang online appointment.
“We have appointments for OWWA and OEC. But the long queue is for the walk-in. That’s why, effective May 4, we will implement strict appointment. We also have limited space and can only accommodate 100 to 150 at a time,” sabi ni Labatt Bautista.
Sa isang advisory, sinabi ng POLO na pinagsama na lamang nila ang contract violation at OWWA membership application/renewal bilang isang appointment, at tatanggap lamang sila ng hanggang 250 appointments kada araw; yaon namang para sa OEC issuance ay 150 appointments lang bawat araw.
Hindi na rin mag-iisyu ng OEC sa mga OFWs na pumasok sa Dubai na hawak ay visit o tourist visa, nakakuha ng trabaho at nai-convert/upgrade ang papeles sa Employment Visa.
Itong mga OFW na ito ay kailangang kumuha ng kanilang OEC sa POEA na mismo.
Ayon daw ito sa regulasyon ng POEA, sabi ni Labatt Bautista: “POEA Memorandum Circular No. 02, Series of 2019 (states that) for those workers who were not previously registered with POEA, POLO will only verify their contract and advise them to secure OEC at POEA,” aniya pa.
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]