Katutubong Scandinavians apektado na rin ng climate change

MAIBA muna ako, mga katoto.

Caption: Author na si Jojo Dass at Anne Lajla Utsi, Managing Director of the International Sami Film Institute.

Kasalukuyang ginaganap ngayon dito sa Dubai ang Expo 2020 – isang global event na tatakbo ng anim ng buwan hanggang Marso 2022. (Dapat sana’y noong nakaraang taon ito gaganapin ngunit ipinagpaliban dahil sa pandemyang Covid-19.)

Kwentuhan ko muna kayo.

Nakakatuwa naman, kasi kung matatandaan ninyo, nitong Hulyo ay ginanap ang Tokyo Summer Olympics – walang tao maliban sa mga manlalaro.

Ang Expo 2020, sa kabilang banda, ay dinaragsa. Ayon na rin sa mga organisador, lagpas isang milyon ang mga taong bumisita sa Expo sa unang buwan pa lamang ng kaganapang ito nitong nagdaang Oktubre.

Maliban sa mga pabilyon ng may 192 na mga bansang lumahok ay may mga pagtatanghal at talakayang inilulunsad sa Expo. Isa na nga riyan ay ang forum tungkol sa climate change na ginanap kaakibat ng COP 26 Conference – ang 26th United Nations Climate Change Conference of the Parties (COP26) sa Glasgow sa Scotland na nagsimula nitong Oktubre 31 at tatagal hanggang Nobyembre 12 na kung saan tinatalakay ang isyu tungkol sa mga nakababahalang pagbabagong nagaganap sa ating kapaligiran.

Isa na nga diyan ay ang unti-unting pagkalusaw ng mga yelo sa North at South Pole, na sya naman dahilan ng pagtaas ng tubig sa mga karagatan. Di lang yan, epekto rin ng climate change ang mga pagbabago ng panahon na kung saan halimbawa ay ang dating tag-araw ay nagiging panahon ng bagyo (di nyo ba napapansin? Maagang dumadating ang mga bagyo ngayon diyan sa Pilipinas? Dito sa Gitnang Silangan ay nagkakaruon na rin ng bagyo… hala!)

Kasama sa pagkatunaw ng yelo ay ang pagkalusaw rin ng tinatawag na “permafrost” – isang layer o bahagi ng kalupaan sa North at South Pole na nagyelo na sa loob ng ilang daang taon.

Eh ano ngayon kung matunaw ang permafrost? Babaha sa mga bakawan at mamamatay ang mga puno at halaman duon, masisira ang balanse ng kalikasan.

At dahil mangamamatay ang mga puno’t halaman, nagbabadya rin na mawala ang isang prutas na naging bahagi na ng buhay ng mga Scandinavians mula pa noon unang panahon – ang luomi berry.

Sa isa sa mga talakayan tungkol sa climate change na ginanap nga sa Expo 2020 ay nakilala ko si Anne Lajla Utsi, Managing Director ng International Sami Film Institute. Siya ay katutubong Sami.

Sa kanyang paglalahad, sinabi nya: “In the last few years, we have been having quite a lot of changes in the environment.”

Ikinwento niya na bago magsimulang malusaw ang mga permafrost ay bahagi na ng kanilang tradisyon na magtungo sa mga kagubatan, tumawid ng mga ilog, lumusong sa mga bakawan patungo sa kung saan malayang namumukadkad ang mga luomi berries.

Lahat sa bawat pamilyang Sami – mula sa mga lola hanggang sa mga kananayang bitbit ang kanilang mga sanggol – ay sama-samang naglalakad, umaaawit nagsasalaysayan tuwing pagtatapos ng Hulyo patungo nga sa lugar ng mga luomi berries.

Tradisyon.

Iniimbak nila iyon para sa napipintong malupit at mahabang taglamig gaya na rin ng ginawa ng kanilang mga ninuno.

Subalit sa pagkatunaw ng permafrost, nanganganib na mabura sa mundo ang mga prutas na ito na sintamis ng araw sa hatinggabi (sapagkat sa panahon ng summer ay 24 oras ang sikat ng araw sa kanilang lugar).

Mismong bagol ng Finland (taga-Norway si ma’am Anne) ay may imahen ng luomi – bagay na nagpapatibay ng kanilang pagkakilanlan bilang mga Sami.

“This is what we found just a few years ago. We have this beautiful marshlands and you see little mountains in the wetlands, and inside these, you’d find permafrost. But a few years ago, we found it is melting and it is falling down and there is water…it becomes a little water,” sabi ni Anne.

“And so we are asking, will we still have these berries tomorrow? The melting permafrost is something that we fear would affect the little berries.”

“The berries represent my connection to my land, my family. For our people, this berry is like gold,” sabi pa ni Anne.

Harinawa ay huwag naman sanang maglaho ang mga luomi berries sapagkat kasamang maglalaho ang tinatawag na national identity ng mga katutubong Sami.


Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]