HINDI na magiging isang krimen sa Singapore ang pakikipag-sex sa kapwa lalaki, ayon kay Prime Minister Lee Hsien Loong.
Gayunman, klinaro nito na mananatili ang legal definition ng kasal sa pagitan lamang ng babae at lalaki.
Dahil dito, ikinatuwa ng LGBTQ groups ang naging desisyon ni Lee na i-repeal ang Section 377A ng penal code ng Singapore na nagtatakda na bawal ang gay sex.
Pero anila ang hindi pagpayag sa kasal sa pagitan ng same sex couple ay isa pa ring concern ng kanilang grupo dahil ito ay nanatiling isang porma na diskriminasyon sa kanilang hanay.
Ginawa ni Lee ang pahayag sa taunang national day rally. Ani Lee ang mga Singaporean lalo na ang mga kabataan ay nagiging bukas na sa mga miyembro ng LGBTQ.
“I believe this is the right thing to do, and something that most Singaporeans will now accept,” ayon sa Prime Minister.
Hindi naman nilinaw kung kailan ire-repeal ang Section 377A.