SINABI ng isang opisyal ng Department of Migrant Workers (DMW) na hindi kinokonsidera ng pamahalaan ang pagpapatupad muli ng deployment ban sa Kuwait matapos ang karumal-dumal na pagpatay at pagsunog sa isang overseas Filipino worker (OFW) ng anak ng kanyang amo.
Sa Laging Handa briefing, tiniyak ni Migrant Workers Spokesperson Toby Nebrida na isusulong ng kagawaran ang hustisya para kay Jullebee Ranara.
“We’re working with the authority sa Kuwait ano, kasama dito iyong police and then of course iyong kanilang health ministry. May mga ilang dokumento at prosesong kailangan na matupad at we have to comply with that upang maiuwi na natin ang labi ni Jullebee Ranara. At we’re hopeful na ilang araw na lamang ay maibabalik na ang kaniyang remains po dito sa Pilipinas,” sabi ni Nebrida
Idinagdag ni Nebrida na unang ipinatupad ang deployment ban laban sa Kuwait noong 2018 at inalis noong 2020.
“In so far as deployment ban ano, this is one act ano – for example iyong nangyari kay Jullebee halimaw ang tawag sa ganitong klaseng ano eh… ginawa niya kay Jullebee Ranara. So kung mag-i-impose tayo ng ban, parang hindi ganoon kainit ang aming pagtanggap doon sa suhestiyon na iyon. Pero ang maghanap nga ng karagdagang mga mekanismo at garantiya mula sa pamahalaan mismo ng Kuwait, iyan iyong aming pagtutuunan ng pansin,” aniya.