NASAWI ang 20 bata at tatlong guro matapos masunog ang bus na kanilang sinasakyan habang nasa field trip sa labas ng Bangkok, Thailand nitong Martes.
Ayon sa ulat, sakay ang 40 mag-aaral mula kindergarten at high school mula sa Wat Khao Phraya Sangkharam school sa northern province ng Uthai Thani, na galing sa field trip nang maganap ang insidente sa Pathum Thani province sa labas ng capital ng Bangkok.
Labing-anim na iba pang mga bata at tatlo pang mga guro ang isinugod sa ospital.
Sa video na kumalat, kitang-kita kung paano kinain ng apoy ang bus habang nasa ilalim ng isang overpass.
Ayon sa Transport Minister na si Suriyahe Juangroongruangkit ang bus ay pinaandar umano ng “extremely risky” compressed natural gas.
Nagpahayag naman ng kanyang pakikidalamhati si Prime Minister Paetongtarn Shinawatra sa pamilya ng mga nasawi.
Sinabi rin nito na sasagutin ng pamahalaan ang medical expenses ng mga biktimang nasa ospital at bibigyan din ng ibayong tulong ang mga pamilya ng mga nasawi.