Bagets pinatay ang ama; video ng krimen in-upload sa social media

ARESTADO ang teenager sa Ploeren, France matapos niyang patayin sa saksak ang sariling ama at i-upload ang krimen sa social media.


Naganap ang insidente noong Sabado nang bisitahin ng 17-anyos na suspek ang kanyang ama, 46, sa bahay ng kanilang pamilya kung saan mag-isa na lamang nakatira ang huli.


Nagpunta sa kusina ang teenager, na naglasing muna sa kalapit na bar, kumuha ng kutsilyo bago ginising ang ama saka paulit-ulit itong sinaksak.


Makaraan ang ilang minuto ay tumawag siya sa presinto upang iulat ang kanyang ginawa.


Napag-alaman ng pulisya na matapos ang pagpatay sa ama ay in-upload ng suspek sa social media ang krimen.


Agad namang binura ng otoridad ang video, pero mahigit 40 katao ang nakapanood nito.


Ayon sa suspek, pinatay niya ang ama “to put an end to the aggressive and violent behavior of his father against the background of alcoholic problems and the suffering that this behavior caused his family.”


Noong isang buwan ay kinasuhan ng ina ng bata ang biktima matapos siyang bugbugin nito dahil sa kalasingan.


Dahil sa pangyayari ay lumayas ng bahay ang mag-iina at iba pang miyembro ng pamilya at iniwan na mag-isa ang padre de pamilya.