Asian hate crime: 70-anyos Pinoy sinapak sa US park

NAGTAMO ng black eye ang matandang Pinoy makaraang suntukin ng puting lalaki na pinagmumura siya at ang kanyang asawa sa isang parke sa Cerritos, California noong Sabado.


Ayon sa ulat, naglalakad si Cesar Eschano, 70, at kanyang asawa sa Cerritos Regional Park nang lapitan at pagmumurahin ng suspek na may edad 20.


Ani Eschano, sinabihan sila ng suspek na bumalik sa kanilang bansa.


Sa takot, agad na sumakay ng kanilang kotse ang mag-asawa pero sinundan sila ng lalaki.


Bago pa mapaandar ng asawa ni Eschano ang sasakyan ay sinuntok ang biktima sa mukha ng suspek.


Hindi na umano nakunan ng larawan ang suspek dahil tumakas na ito matapos ang pag-atake.


Nagpatingin muna sa ospital ang biktima bago iniulat sa pulisya ang pangyayari.