TATLONG Filipino ang inaresto sa Beijing dahil sa hinalang espiya ang mga ito, ayon sa ulat ng state media na Global Times.
Ginawa ang pag-aresto sa tatlong Pinoy dalawang araw matapos maglabas ng travel advisory ang Chinese Embassy dito sa Maynila hinggil sa diumano’y madalas na “harassment” na dinaranas ng mga Chinese national sa kamay ng mga law enforcement personnel sa bansa.
“The Investigation revealed that Philippine intelligence agencies have long been focused on gathering information about China’s military deployments,” ayon sa report.
“China’s state security authorities have uncovered a case of Filipino espionage and apprehended three Filipino nationals suspected of spying in the country,” pahayag ng Global Times sa post nito sa X (dating Twitter).
Isa sa mga inaresto ay nakilalang si David Servanez, na sinasabing “long-term resident” sa China.
Inaresto si Servanez matapos umano itong makita na tumatambay sa mga military facilities ng bansa.
Ni-recruit umano ito ng isang “Richie Herrera” na isang tauhan umano ng intelligence service ng Pilipinas.
Ang dalawa pang naaresto ay sina Albert Endencia at Nathalie Plizardo, na ayon pa sa mga awtoridad sa China, ay pawang mga recruit din ni Herrera para kumalap ng “sensitive information”.