YouTuber naligo sa public fountain sa CDO, kulong

BAGSAK sa kulungan ang YouTuber na si Daily Fawk makaraang maligo sa fountain sa Gaston Park sa Cagayan de Oro City.

Nahaharap sa reklamong alarm and scandal ang vlogger na may tunay na pangalang Jeremy Hallazgo at dalawa niyang kasama sa paggawa ng video.

Pinalaya ang tatlo matapos ireklamo sa prosecutor’s office at manatili ng isang gabi sa piitan.

Dinakip si Hallazgo at ang dalawang di-pinangalanang kasama ilang oras matapos siyang mag-swimming sa public fountain malapit sa city hall at St. Augustine Metropolitan Cathedral noong Linggo.

Ayon sa pulisya, delikado ang ginawa ng vlogger dahil ang pinagliguan niya ay isang dancing fountain kung saan pwede siyang makuryente.

Sa video na ipinost kagabi ni Hallazgo sa YouTube na may titulong “DAILY FAWK – taking bath in a public mall fountain, makikita siyang nagtanggal ng shorts at tsinelas bago nag-dive sa fountain.

Nakasuot naman siya ng facemask, t-shirt at boxers habang nagsu-swimming.

Itinigil lang niya ang ginagawa nang makitang may parating na security guard.

Pag-ahon ay tinanong pa niya ang sekyu kung bawal maligo sa fountain. –A. Mae Rodriguez