Whamos rumesbak sa nanlait sa food pack

BINALIKAN ng YouTube sensation na si Whamos Cruz ang netizens na inokray ang packed lunch na ipinamahagi niya sa graduation ng kanyang girlfriend na si Antonette Gail del Rosario.

Sa Facebook video, pinuna ni Whamos ang mga bashers na aniya ay ginamit na nga ang mga pictures mula sa kanyang page ay nagawa pang laiitin ang kanyang pagmamagandang-loob.

“Hey, what up guys? May mga lilinawin lang ako. Sa dinami-dami ng Facebook page na kumakalat about doon sa ibinigay naming food ni Antoinette doon sa graduation niya.

“Alam n’yo guys ‘yung iba’t ibang klaseng Facebook page, kung kukuha po kayo, actually wala nga kayong paalam sa amin, e kahit kinukuha n’yo ‘yung mga picture namin para lang mai-post n’yo sa Facebook page n’yo tapos may mga link-link kayo, di ba?

“Sa akin naman sana ‘yung caption n’yo pakilinaw naman nang maayos kung magpo-post kayo ng picture namin. Sana ‘yung caption n’yo maging maganda naman sa pandinig ng tao kasi hindi kayo ang nasisira, kami po,” aniya.

Ipinaliwanag ni Whamos na umabot sa 500 packed lunch at bottled water ang naipamigay nila sa mga mag-aaral.

Klinaro rin niya na dalawang piraso ng manok at hindi pancit canton ang ipinamudmod nila.

“May nilalagay pang ang pinamimigay ko raw pancit canton lang. Nakita n’yo ba ‘yung vlog namin kung gaano kahirap magluto? Kung gaano karami ang binigyan namin, limang daang estudyante ang binigyan namin nu’ng araw na ‘yun,” aniya.

“Panoorin n’yo po kung ano ‘yung binigay namin. Hindi kamahalan aminado ako pero ang intensyon ko doon tumulong. Ang intensyon ko roon magbigay ng pagkain sa mga estudyante dahil walang mabibilhan ng pagkain doon at ako mismo ang nag-suggest noon, hindi sila nanghingi,” dagdag niya.

“Ikaw ba na may Facebook page naisip mo bang magbigay ng pagkain sa mga grumadweyt? Naisip mo ba ‘yun, ha?” hirit pa ni Whamos.