Aso nakapatay ng manok, pinatay sa palo


PATAY ang Siberian Husky matapos pagpapaluin ng dalawang lalaki na may-ari ng manok na kinatay umano ng aso.


Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 10631 o Animal Welfare Act na may parusang hanggang anim na taong kulong at P100,000 multa.


Ayon sa ulat, hinabol ng isa sa mga suspek na may dalang mahabang bagay ang Siberian Husky na si Evelyn matapos umano nitong mapatay ang manok na pag-aari ng una.


Nakapagtago ang aso sa ilalim ng van pero hindi ito nakaligtas sa ikalawang suspek na may hawak ding mahabang bagay.


Nang lumabas mula sa ilalim ng van ang aso ay pinaghahampas ito ng mga suspek.
Nakatakbo ang aso pero inabutan ito ng mga suspek at muling pinagpapalo bago kinaladkad hanggang sa mamatay. –A. Mae Rodriguez