PUMIPITIK-pitik ang apat sa anim na ilaw ng aking router. Nakakasira ng motivation sa pagsusulat ang hindi stable na Internet connection. Nagiging sanhi rin ito ng pagkabimbin ng komunikasyon at delivery sa ibang negosyong online. Naitalang isa ang Pilipinas sa may pinakamabagal na Internet connection sa buong mundo.
Isang airconditioner lamang ang ginagamit sa araw-araw, at tuwing oras lamang ng pagtulog, subalit ang aking bill sa kuryente ay napakataas. Nakakarga pa rin kasi ang mga forecasted charges, subsidy charges at illegal charges na hindi dapat konsyumer ang pumapasan kundi ang franchisee ng kuryente. May siwang pa rin sa rate-making policies ng Energy Regulatory Commission. Sa buong Asya, pangatlo ang Pilipinas sa may pinakamataas na singil sa kuryente.
Bawat pindot ko sa cellphone para sa online transactions ko ay ilang beses na kaltas sa aking deposito sa bangko. Yung ibang kaltas na umaabot ng 500 kada transaksiyon ay pwede ko na sanang maipon sana para sa batayang pangangailan. Feeling ko rin para akong hinoholdap in broad daylight tuwing may bank transaction ako, offline at online. While dapat lang na may kaltas, masyado na itong malaki at katunayan ay napansin na rin ito mismo ng Bangko Sentral ng Pilipinas na kamakailan ay nangakong titingnan ang reklamo ng mga depositors sa mataas na bank charges.
Ang singil sa tubig ay isa ring pahirap. Minsan nga ay mas mahal pa ito sa singil sa kuryente. Ito ay sa kabila ng maraming reklamo ng konsyumer na tumatanggap ng mahinang daloy mula sa kanilang mga linya. Kuwestiyon din ang kalidad nito dahil sa manaka-nakang pagsulpot ng kulay brown na mga latak. Isyu pa rin ang pagsasapribado sa tubig, dahil mas nangingibabaw ang pagtingin dito bilang isang commodity, gayong ang pinagkukunan naman ay likas-yaman.
Kada may bagong presidenteng uupo, inaasahan ang mga batas na may kinalaman sa pagtaas ng buwis upang maituloy ang mga programa at proyekto ng nagdaang administrasyon. Ang tax increase ay pasan ng konsyumers, hindi ng malalaking korporasyon.
Noon namang kasagsagan ng pandemya, na imagine ko ang ang mga plastic products kabilang na ang facemasks, faceshields, gloves at iba pang packaging na gawang plastic na bumabara sa ating mga ilog, sapa at mga dagat. Aaaargh, nakakasakal pa kaysa sa selosong karelasyon.
Isyu ng mataas at di makatuwirang singil sa mga basic utilities at services, walang istablidad sa presyo ng gasoline, monopolisasyon at kartel, kontrol sa mga batayang serbisyo, illegal na collection at charges at kung anu-ano pa ang hinaing nga mga konsyumers bawat segundo, bawat minuto. Napakarami mang organisasyong sumisigaw ng katarungan para sa mga niyuyurakang karapatan ng konsyumer, hindi pa rin sapat ang mga tinig nila ngayong patuloy ang mataas na presyo ng basic commodities.
Kahit nagrerekober na ang ekonomiya mula sa pandemya, milyon pa rin ang walang empleyo. Hand- to- mouth existence ang maraming pamilya na umaasa sa ayuda at manaka-nakang kita mula sa odd o di pangkaraniwang mga trabaho na produkto na rin ng kanilang pagkamalikhain at pagiging madiskarte. Mababang pasahod, mataas na presyo ng bilihin– saan patungo ang buhay nila sa ganitong senaryo?
Pagpasok ng Marso, naging sentro naman ng ating mga hinaing ang kalagayan ng tradisyunal na mga jeepney na nais tanggalin nang tuluyan sa kalsada. Panibagong dagok sa mga mananakay ang mas mataas na singil sa pasahe. Dagok din sa ekonomiya na mas tatangkilikin natin ang mga gawang imported gayong napakaraming Pinoy ang mawawalan ng trabaho sa sector ng manufacturing.
Bukas, March 15 ay itinalagang World Consumer Rights Day.
Sa paggunita sa mahalagang araw na ito, tukuyin natin ang nagnanaknak na problema ng konsyumer sa bansa. Alam natin na ang sektor ng konsyumers ang isa sa pinaka-deprived o hindi napagtutuunan ng gaanong pansin sa usapin ng impormasyon kung kaya nais natin itong patampukin dahil apektado tayong lahat.
May mga batas tungkol sa karapatan ng konsyumer. Isa na rito ang Republic Act 7394. Nasasaad sa naturang batas ang polisiya ng pamahalaan na protektahan ang interes ng konsyumers, itaguyod ang pambansang kagalingan at magtatag ng mga panuntunan sa negosyo at industriya. Mayroon din tayong Republic Act 10667 o ang Philippine Competition Act na supposedly ay magbabantay sa episyenteng kompetisyon sa merkado upang makamit ng konsyumers ang mas resonableng singil sa mga produkto at serbisyo.
Marami pang ibang batas pang konsyumer:
1. Philippine Lemon Law of 2013
2. Food Safety Act of 2013
3. Data Privacy Act of 2012
4. National Payments Systems Act of 2018
5. No Short-Changing Act of 2018
6. Credit Information Systems Act of 2008
7. Universally Accessible Cheaper and Quality Medicines Act of 2008
8. Price Act of 1992
9. Truth In Lending Act of 1963
10. Electronic Commerce Act of 2000
11. Expanded Senior Citizens Act of 2010
12. Toy and Game Safety Labelling Act of 2013
13. Access Devices Regulation Act of 1998
14. Electric Power Industry Reform Act (EPIRA)
Nasa implementasyon pa rin ang problema kung bakit butas at hindi naipapatupad ang pinakabuod ng naturang mga batas. Hindi rin dapat dumidepende ang konsyumers sa batas bagkus ay maging responsible at vigilant dapat sa paghiling ng kaniling mga karapatang maging ligtas, karapatang pumili, at karapatang magreklamo.
Makakamit ng konsyumers ang kapangyarihang mabantayan ang kanilang mga karapatan kung may boses silang igiit ang mga hinaing sa tamang mga ahensiya. Ang pagkakaisa rin ng kanilang hanay ay mas malakas na puwersang maaring magresulta ng mga reporma sa sektor. Maraming organisasyong kumikilos para sa kanilang mga karapatan.
SUKI Network (FB page)
DTI Consumer Protection Hotline: [email protected]
(02)7791.3127
PCC: www.phcc.gov.ph/[email protected]
(02) 87719722