BUMABA ng puwesto ang University of the Philippines at University of Santo Tomas sa 2022 QS World University Rankings.
Mula sa ika-396 noong isang taon ay nasa ika-399 puwesto na ang UP habang mula sa 801-1,000 bracket ay nasa 1,001-1,200 grupo na ngayong taon ang UST, base sa global higher education analyst na Quacquarelli Symonds (QS).
Hindi naman natinag sa kanilang puwesto ang Ateneo de Manila University (601-650) at ang De La Salle University, (801-1,000).
Nangunguna pa rin sa listahan ang
Massachusetts Institute of Technology sa US habang ang National University of Singapore ang nangungunang pamantasan sa Asya na nasa ika-11 puwesto.
Kabilang sa mga ginamit na indicator ng QS sa pagraranggo sa 1,300 unibersidad sa mundo ang academic reputation, employer reputation, faculty/student ratio, citations per faculty, international faculty ratio, at international student ratio.