NAWINDANG ang isang celebrity doctor nang makita ang klase ng chest compression na isinasagawa ng mga artista sa isang teleserye ng GMA 7.
Sa Twitter, ni-repost ni Dr. Mike Varshavski ang isang eksena sa “Kambal Karibal” kung saan nilalapatan ng chest compression ng gumaganap na nurse ang aktres na si Carmina Villaruel at sinabi niya na “sumakit ang kanyang kaluluwa” sa nasaksihan.
Sa Instagram Story, nagpa-poll naman ng doktor kung chest compression ba ang ginagawa ng nurse o bagong sayaw sa TikTok.
Karamihan ay “Tiktok dance” ang isinagot.
Gaya ng inaasahan, nakatikim ng panlalait sa sa mga fans ni Dr. Mike at maging sa maraming Pinoy netizens ang eksena.
Matatandaan na nag-viral din ang CPR scene ng “Kambal Karibal” dahil sa dami ng bumatikos at natawa rito noong Abril 2018.
Nagkasagutan pa online ang creative consultant ng teleserye na si Suzette Doctolero at ang entertainment columnist/ comedian/vlogger na si Ogie Diaz nang punahin ng huli ang eksena.
Umabot din sa Thailand ang usap-usapan ukol sa “unrealistic” chest compression. Sinimulang ipalabas ang kambal “Karibal Karibal” noong Nobyembre 2017 at nagtapos noong Agosto 2018.
Samantala, naging tanyag sa mga Pinoy si Doctor Mike, ang tinaguriang Sexiest Doctor Alive, makaraang maiulat noon na nagde-date sila ni Miss Universe 2015 Pia Wurtzbach.