KATATAPOS lang ng “Father’s Day” at malamang may mga hang-over pa ang ating mga butihing tatay sa kanilang araw noong linggo.
Ako ay isang anak ng OFW at noon napakahirap ng mabilisang communication (1 week ang sagot ng aking tatay sa aking “snail mail” na pinadala ko pa sa post office papuntang Saudi Arabia, at makakuha ng voice tape sa tuwing uuwi ang isa sa mga kasamahan niya sa trabaho).
Ibang-iba ang sitwasyon ngayon na isang pindot mo lang maipadadala mo na agad ang mensahe mo, or matatawagan at makikita mo ang iyong tatay sa video call.
Para sa mga Tatay na nasa abroad, sana makatulong ang mga tips na ito para patuloy n’yo pa rin makasama ang inyong mga anak kahit nasa malayo kayong lugar.
1. Palaging makipag-usap sa mga anak
Hirap man sa pag-manage ng schedule, tiyakin na laging makikipag-usap sa inyong mga anak. Sa dali ng mga means of communication ngayon – mobile data calls, social media, wala na maaring dahilan pa para hindi ninyo makausap ang inyong mga anak. Humingi ka ng update tungkol sa mga school activities nya, mga kaibigan nya, at kung ano-ano pa ayon sa kanyang interest.
2. Huwag i-spoil ang mga anak
Gaya ng mga mamahaling gadgets, sapatos, relo, malalaking allowance at kung ano pang mga material na bagay na hindi naman dapat nasa lifestyle ng iyong anak, lalo na kung sila ay nag-aaral pa.
Hindi nasusukat ang pagmamahal sa materyal na bagay kaya huwag gawing dahilan ang pag-spoil sa kanila ang pagiging wala physically sa inyong pamilya dahil sa iyong sakripisyo.
Mainam na matutunan ng inyong mga anak kung gaano kahirap ang iyong ginagawa upang mabigyan sila ng magandang kinabukasan. I-reward sila ng mga bagay na sa tingin mo ay nararapat sa kanila basta may pagsisikap o pinaghirapan din ito ng iyong mga anak, gaya ng maayos at matataas na grades, hindi pasaway sa kanyang nanay at mga kapatid, at sa inyong komunidad.
3. Ilayo ang sarili sa tukso
Tukso sa pagsusugal, pambabae at pagbibisyo. Kahit na malayo ka sa iyong asawa, ipakita mo ang pagiging mabuting asawa upang maging mabuting ama sa iyong mga anak. Ipakita mo pa rin na ikaw ay mapagkakatiwalaan kahit na ikaw ay malayo sa kanila.
4. Mag-ipon at magplano kung hanggang kailan magtatrabaho abroad
Mag-impok para sa pangkolehiyo at pang-retirement. Hindi natin masasabi na hanggang kailan kaya ng katawan ang magtrabaho abroad. Ngunit isipin rin ninyo ang mga mawawalang taon na maaring igugugol pa ninyo sa inyong mga anak. Maraming milestones sa buhay nila ang maiiwan mo kapag hindi mo nagawang i-limit ang taon na ikaw ay malalayo sa kanila.
5. Maging supportive sa iyong asawa
Hindi madali sa isang nanay ang maiwang mag-isa (physically) para alagaan, disiplinahin ang mga anak. Maging updated sa mga challenges na nangyayari sa mga anak at pag-usapan ang paraan ng pagdidisiplina sa mga anak kasama ng iyong esposa. Wala ka man sa piling ng mga anak, ngunit alam mo kung papaano sila mapapalaking maayos kasama ng iyong asawa, kahit malayo ka pa.
6. Show your love
Maging available sa mga milestones ng kanilang buhay. Ayusin ang iyong skedyul ng bakasyon para makaattend ng mga commencement exercises, graduation or di kaya kahit na panahon na magpapatuli ang iyong anak na lalaki. Sa pamamagitan nito, mararamdaman pa rin ng iyong mga anak na importante sila sa buhay mo. Maging isa kang haligi ng kanilang mga pangarap.
Sa totoo lang, mahirap lumaking hindi mo naranasan na araw-araw kasama ang iyong ama, gaya nang naranasan ko. Pero proud pa rin ako at nagpapasalamat sa kanyang sakripisyo.
Until our next column! Maligayang buong isang lingo (yes, hindi araw dahil gusto ko talagang i-extend ito) sa mga Pinoy na ama sa buong mundo.
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]