TODO-DENY si Miss Q&A Kween of the Multibeks Anne Patricia Lorenzo na galing sa kanya ang na-screenshot na komento kaugnay kay dating Vice President Leni Robredo.
Sa kanyang Facebook post nitong Linggo, iginiit ni Lorenzo na fake news ang nasabing post.
Mababasa sa post: “Ginawa ko lang ‘yun para patamaan si lutang mga uto-utong Kakampink.”
Iniugnay ito, paliwanag ni Lorenzo, ng uploader ng “fake post” sa sagot niya sa final question sa “Miss Q&A Queenfinity War” na, “Naniniwala ka bang may taong tanga?”
“Wala po akong sinabing ganito at napakadesperado ng ganitong galawan para gumawa ng fake account and to put or to edit this kind of malicious comment,” ani Lorenzo
“Wag po tayo magpakatanga sa sitwasyon na pwede tayo maging matalino. If you saw something like this, please do your responsibility na alamin kung totoo ang account or hindi po,” dagdag niya.
Plano rin niyang sampahan ng kaso ang mga nasa likod ng fake accounts na
nagkakalat ng mga malisyosong komento online.