KASABAY ng pagdiriwang ng National Children’s Month, binuksan nitong Miyerkules ng Council for the Welfare of Children (CWC) ang helpline na siyang tutugon sa mga concerns ng mga batang inabuso.
Ayon kay CWC public affairs and information chief Elino Bardillon, ang Makabata Helpline ay tutulong sa mga batang may mga isyu partikular na ang mga nakararanas ng problema sa kanilang mental health, o sila na nakararanas ng pang-aabuso, karahasan at ano pang paglabag sa kanilang mga karapatan.
“Itong Makabata Helpline, malaking tulong ‘to upang matugunan natin ang mga suliranin ng mga bata. ‘Yung concern nila sa mental health, at least may matatawagan ‘yung mga bata. ‘Yung concern natin sa mga abuses, ‘yung mga violence against children, among others,” ayon kay Bardillon.
Maaring i-report ang anumang uri ng child abuse sa 0915-802-2375 para sa Globe subscribers, or 0960-377-9863 para sa Smart, o di kaya ay mag-send ng message sa Mabakata Helpline Facebook page, or mag-email sa [email protected].
Samantala, sinabi rin ni Bardillon na tatlo sa kada limang bata ang nakaranas ng psychological abuse. Sila ang karaniwang namumura at naalipusta, ayon pa sa opisyal.
“Lumabas doon na tatlo sa limang bata ay psychologically abused. Maraming bata ang minumura, inaalipusta,” ayon kay Bardillon.
“With negative words, they are being psychologically abused. This results in stress, anxiety,” dagdag pa niya.