LAST FRIDAY, tinalakay natin ang lima sa siyam na habilin upang makapaghanda ang isang aspiring OFW sa kanyang pagle-level up ng career or trabaho abroad.
Hindi madali mag-adjust lalo na kung ito ay may kinalaman sa pag-manage ng kalungkutan habang nasa ibang bansa, paano makisama sa ibang lahi, at ang bagong environment sa ating magiging trabaho sa loob ng ilang taon.
Kung nabasa ninyo ang limang habilin (Read: Read: https://pinoypubliko.com/life/9-habilin-sa-paalis-na-pinoy-para-magtrabaho-sa-abroad-part-1/), narito ang apat pang habilin para kumpleto na ang inyong checklist:
6. Komunsulta sa HR
Kung may mga concerns tungkol sa inyong pag-empleyo sa kanilang kumpanya ayon sa nakasaad sa kontrata (kahit ito ay naipaliwanag na bago kayo umalis), maiging sa personnel ng Human Resources ng inyong kumpanya kayo komunsulta.
Linawin ang mga karampatang bayad para sa Overtime Pay (OT Pay), paano ang gagawin kung may kulang sa binigay na sahod, kung may isyu mula sa trabaho o kasamahan sa trabaho, or kahit ano na sa tingin mo ay makakaapekto sa iyong empleyo. Mas maigi rin na mag-email sa inyong POEA-licensed agency na nagpaalis sa inyo kung kayo man ay may ahensyang pinagdaanan ng proseso sa pag-aabroad.
Umiwas din mag-post sa social media tungkol sa relihiyon, kultura. Mas makakabuti na huwag nang mag-post ng iyong isyu tungkol sa relihiyon o kultura ng bansa kung saan ka nagtatrabaho.
Kung naaalala ninyo, noong 2015 ay may isang Pinoy nurse sa Singapore ang nag-rant sa social media tungkol sa mga hindi magagandang inasal ng mga Singaporeans sa ospital na kanyang pinapasukan. Ang resulta: tanggal siya sa trabaho!
7. Domestic/personal issue ayusin bago umalis
Kung may mga domestic or personal issue, ayusin muna ito bago umalis. Kung may mga utang, makabubuting bayaran muna ito o makipag-ayos a pinagkakautangan. Ayusin ang problema sa pamilya o relasyon sa minamahal. Maaari kasing maging sanhi ito o dahilan para maging maayos o problemado ang iyong performance sa trabaho abroad.
8. Entertain yourself
Kung nabuburyong o ikaw ay naho-homesick, maiging lumabas at magliwaliw. Maliban sa pagtawag sa iyong mga minamahal sa pamamagitan ng video calls, sikapin na magkaroon ng mga kaibigan mula sa trabaho o community kung saan may mga programa ukol sa personal at skill developments.
Ugaliin maging positibo sa lahat ng bagay at mga pangyayari sa trabaho at sa iyong temporary life abroad. Mag-shopping ng mga kailangan, dahil hindi lang kayo nagtratrabaho para iahon ang inyong pamilya, you need to reward yourself too.
9. Always plan
Planuhin kung ano ang dapat uunahin sa mga pangarap habang nagtatrabaho abroad, mag-set ng timeline kung hanggang kailan ka lang dapat mangingibang-bansa. Planuhin nang maayos ano ang iyong retirement. Ayusin ang mga financial support sa pamilya at mag-iiwan rin ng para sa iyong sarili. Huwag na huwag din kakalimutan na ikaw ay magdasal sa bawat umpisa at tapos ng iyong trabaho. Magpasalamat sa blessings na iyong tinatamasa at maging channel of blessings din sa iyong pamilya.
Ayan kumpleto na ang ating listahan. Salamat sa aking kabaro na si Isabel Domingo sa kanyang magandang listahan. Nawa’y makatulong ito sa inyo mga kabayan. Sa susunod na Friday ulit!
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]