Kim Soo Hyun, Hwang In Youp, Rowoon magpapakilig sa Pinoy fans

HINDI lang mga K-POP groups ang nagbabalik sa Pilipinas, kundi pati rin ang mga kinakikiligang Oppa mula sa mga Korean drama!

Sa Friday, June 10, pakikiligin ng Korean Drama star na si Kim Soo Hyun ang kaniyang fans sa Mall of Asia Arena para sa isang fan meeting na “One Extraordinary Day with Kim Soo Hyun” na inisponsor ng Bench.

Hinangaan at minahal si Kim Soo Hyun ng mga Pinoy dahil sa kaniyang role sa One Ordinary Day, It’s Okay To Not Be Okay, My Love From The Star, at iba pang programa na talagang tumatak sa puso ng mga KDrama fans.

Para magkaroon ng chance na makita ang Korean Star, 200 VIP and 166 Patron A tickets ang ipinamigay ng Bench sa pamamagitan ng raffle sa lahat ng mayroong minimum single-receipt net purchase sa kanilang establisyimento.

Sa kauna-unahang pagkakataon, pupunta rin sa Pinas ang aktor si Hwang In Youp para sa kaniyang 1st Asia Fan Meeting Tour na gaganapin sa darating na August 20 sa New Frontier Theater.

Kilala ang actor dahil sa kaniyang striking looks at edgy personality na bet na bet ng kaniyang mga Filipino fans. Unang napansin ng Pinoy fans ang charms ng actor sa kanyang pagganap bilang Han Seo Jun sa palabas na True Beauty kasama sina Cha Eun Woo at Moon Ga Young na talaga naming kinagigiliwan ng mga bagets. Talaga naming mas lalong dumarami pa ang fans ng naturang aktor dahil sa kaniyang latest series na The Sound of Magic na mapapanood sa Netflix.

Talaga nga namang mapapahiyaw ka ng “Saranghaeyo, Rowoon oppa!” dahil ibinalita na ng Globe Kmmunity, ang online K-pop community ng Globe na magkakaroon ng exclusive fan meet ang idol-actor sa Mall of Asia Arena sa darating na June 26.

Ang Korean idol-actor ay ang vocalist ng SF9, isang KPOP boy group ng FNC Entertainment. Bumida rin ang actor sa mga drama tulad ng Extraordinary You, The King’s Affection, She Would Never Know, and Tomorrow.

Talaga namang nakaka-excite ang taon na ito para sa lahat ng Pinoy Hallyu fans! Paniguradong mapapa-finger heart ang bawat isa sa pagbabalik sa Pinas ng mga kinagigiliwan at kinakikiligang Korean personalities.

Publiko, kanino ka pinaka-excited at sino pang Korean Star ang hinihintay mong bumisita sa Pinas?