Dating member ng K-pop na EXO hinatulan sa kasong rape

HINATULAN ng isang korte sa China si Kris Wu, na kilala rin bilang Wu Yifan ng K-pop group na EXO, ng 13 taon pagkakabilanggo matapos na mapatunayang guilty sa kasong rape.

Hinuli si Kris Wu, isang Chinese-Canadian singer, noong Agosto matapos siyang kasuhan ng rape.

Sa ipinalabas na desisyon ng Chaoyang district court sa Beijing, napatunayan si Kris Wu na guilty sa panggagahasa ng tatlong babae sa pagitan ng Nobyembre at Disyembre 2020.

Pinatawan siya na makulong ng 11 taon at anim na buwan.

Bukod dito, sinintensiyahan din ang singer ng karagdagang isang taon at 10 buwan dahil sa “crime of assembling a crowd to engage in sexual promiscuity,” matapos ang insidente noong Hulyo 2018 kung saan dalawang babae ang nabiktima niya at iba pa habang nakainom.

Matapos ang 13 taon ng kanyang sintensiya, ipinag-utos din ng korte ang deportasyon ni Kris Wu sa Canada mula China kung saan siya lumaki.

Pinagbabayad din si Kris Wu ng 600 million yuan ($83,636,500) dahil sa hindi pagbabayad ng buwis mula 2019 hanggang 2020.

Nag-debut si Kris Wu noong 2012 bilang miyembro ng K-pop group na EXO at umalis sa grupo noong 2014.