LUSOT na sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang Mental Health bill para sa state universities and colleges (SUCs).
Sa ilalim ng House Bill (HB) No. 6416 o SUCs Mental Health Service Act, binibigyang kapangyarihan ang Commission on Higher Education (CHED) na atasan ang lahat ng SUCs na magtayo ng Mental Health Office (MHO) sa lahat ng kanilang campus.
Kailangan ding maglagay ng hotline ang mga MHOs kasama ang mga guidance counselor para magbigay ng tulong sa buong komunidad ng SUC, partikular ang mga estudyante.
Base sa 2021 Young Adult Fertility and Sexuality Study (YAFSS) ng University of the Philippines Population Institute (UPPI) malaki ang ibinaba ng mental wellbeing ng mga kabataan.
Ayon pa sa pag-aaral, anim sa 10 kabataan na nakararanas ng sintomas ng depresyon ay hindi humingi tulong at iilan lamang ang dinadala sa isang propesyunal.
Sinabi ng Department of Health na nakapagpalala ang pandemya sa mga tumataas na bilang ng mga Pinoy na may mental health na pangangailangan kung saan umaabot sa 3.6 milyon indibidwal ang apektado.