DAHIL bagong taon, marami ang sa atin ang pokus sa pagbabawas ng timbang o balik-alindog. Pero, higit sa lahat, dapat nakatuon tayo sa ating kalusugan.
Kung naghahanap ka ng isang paraan para mapanatili ang kalusugan, ang pagbibisikleta ang isa sa pwede mong gawin araw-araw. Isa itong simple, abot-kaya, maaasahan na paraan para makapaghatid ng dagdag benepisyo sa iyong kalusugan.
Narito ang ilang impormasyon na nagpapakita na mainam na alternatibo ang pagbibisikleta:
1. Nakakabawas ng stress; pampaganda ng mood
Sa isang pag-aaral, nabatid na ang pagbibisikleta papunta ng trabaho ay nakakatulong para magkaroon ng magandang mood at mababang lebel ng stress kumpara sa mga bumibiyahe at gumagamit ng sasakyan. Ang positibong epekto na ito ay nakakatulong sa mga siklista ng magkaroon ng mas magandang araw, mas mababang stress at mas ganadong pagtratrabaho.
2. Mas mababang peligro sa heart disease
Nabatid din sa isa pang pag-aaral sa United Kingdom, na ang pagbisikleta at paglalakad papunta ng trabaho ay nakakatulong para mabawasan ang panganib na dala ng cardiovascular disease (CVD) o stroke. Sa isang malaking pag-aaral na tumingin sa mahigit 350,000 kalahok ay nalaman na ang mga regular commuter na gumagamit ng mas aktibong paraan ng pagbiyahe tulad ng pagbibisikleta ay may 11 porsiyento na mababa ang peligro na magkaroon ng CVD at 30 porsiyento na mababa ang peligro buhat sa nakamamatay na CVD. Ang mga regular commuter na nagbibisikleta sa kanilang spare time ay may 43 porsiyento na mababa ang peligro sa nakamamatay na CVD. Maging ang hindi mga regular commuter subalit kadalasang nagbibisikleta ay nakakakuha rin ng benepisyo kung saan nagpapakita ito ng 8 porsiyento na mababa ang peligro sa lahat ng nakakamamatay na CVD.
3. Nakakabawas sa panganib na magkaroon ng type 2 diabetes
May malaking pag-aaral na isinagawa ng University of Southern Denmark na nalaman na ang pagbibisikleta ay nakakatulong para mabawasan ang peligro ng type 2 diabetes. Matapos na tingnan ang 24,623 kalalakihan at 27,890 kababaihan, nabatid ng mga mananaliksik na ang mga nagbibisikleta ng madalas ay mababa ang posibilidad na magkaroon ng type 2 diabetes at kung palagi silang nagbibisikleta kada linggo ay mas mababa ang peligro na magkaroon sila nito. Ang mga resulta ay nagpapahiwatig din na maging ‘yung mga regular na nagbibisikleta na may edad na ay nakakakuha ng benepisyo buhat sa 20 porsiyento na mababang peligro ng pagkakaroon ng type 2 diabetes kumpara sa mga hindi nagbibisikleta.
4. Bawas-timbang
Isa sa pinakaepektibong paraan ng ehersisyo para mapanatili ang magandang katawan at mabawasan ang timbang at mas higit na epektibo kaysa sa paglalakad. Ang mga nagbibisikleta papunta ng trabaho ay may mababang body mass indez (BMI) kumpara sa mga naglalakad, nagmamaneho o sumasakay sa mga pampublikong transportasyon at may mababang lebel ng body fat kumpara sa mga gumagamit ng pampublikong transportasyon o kotse.
5. Safe sa sexual life
May dalawang magkahiwalay na pag-aaral na lumabas ngayong taon na nalaman na ang pagbibisikleta ay hindi nakakaapekto sa sexual o urinary health ng isang lalaki o ang gynecological health ng isang babae.
Ang unang pag-aaral, na isinagawa ng University of California, ay nabatid na ang sexual at urinary health ng mga lalaking siklista ay hindi masama kumpara sa mga swimmers o runners bagamat ang pag-aadjust ng handlebar ng mas mataas o maging ng saddle ay nagpapababa ng tsansang magkaroon ng genital numbness at saddle sores.
Ang mga mananaliksik sa UC San Francisco ay nabatid naman na ang mga babaeng siklita ay mas mataas ang panganib ng genital numbness at saddle sores kaysa sa mga non-cyclists at may mas mataas na peligro sa urinary tract infection subalit hindi naman masama ang kanilang sexual o urinary function. Ang mga high-intensity cyclist ay nakakakuha rin ng benepisyo ng mas mabuting sexual function.