DAPAT nang i-regulate ang bentahan sa merkado ng artificial o “magic sugar” dahil hindi ito maganda sa kalusugan, ayon sa Sugar Regulatory Administration.
“Mayroon tayong tinitingnan na high fructose syrup, iyong mga chemical sweeteners. Lahat po pinapatingnan po ng SRA iyon. Who regulates it? Ano po iyong agency involved? And of course, we want to regulate it as well,” pahayag nitong Lunes ni SRA Administrator Pablo Luis Azcona.
Ayon sa opisyal ang magic sugar o aspartame ay isang chemical compound sweetener na ginagamit sa mga refresher drink ay delikado sa kalusugan.
“Number one concern diyan is iyong health ng consumers. Number two, kung di natin alam saan galing, talagang delikado,” dagdag pa nito.
Ginagamit ito ng mga negosyante dahil mas murang uri ito nang pampatamis.
Sa ilang merkado sa Quezon City, nabibili anya ang magic sugar ng P35 kada pakete, mas mura sa P80 hanggang P95 kada kilo ng refined sugar.
Imported din anya ang magic sugar, bagamat hindi pa tukoy ng SRA kung smuggled ba ang mga ito.