9 atleta, 1 coach nadale ng dengue sa Palarong Pambansa sa Cebu

DINAPUAN ng dengue ang siyam na atleta at isang coach na kasali sa Palarong Pambansa 2024 sa Cebu City.

Kasalukuyang ginagamot ang mga pasyente sa Cebu City Medical Center.

Ayon kay Dr. Peter Mancao, director ng CCMC, umabot na sa 50 delegado ng Palarong Pambansa ang naospital bunsod ng ilang medical issues, kabilang ang dengue.

Inihayag ni Mancao na nadale ng dengue ang 10, na mula sa iba’t ibang rehiyon, pagdating nila ng Cebu.

Naalarma naman ang lokal na pamahalaan sa ulat kaya agad inatasan ang city health department na magsagawa ng misting at fogging.

Nagtayo na ng fastlane ang CCMC para sa mga delegado ng Palaro na nangangailangan ng medikal na atensyon, dagdag ni Mancao.