UMIDLIP kahit sandali lang ay napakahalagang pamamaraan para sa isang mahusay at malusog na pangangatawan.
Kaya kapag inantok, umidlip kahit saglit para ma-energize ang sarili.
Nakasanayan na nating mga Pinoy na umidlip kung may pagkakataon.
Narito ang limang dahilan kung bakit mahalaga ang “power nap”.
1. Mahusay na gamot sa karamdaman
Ayon sa French National Institute of Sleep and Vigilance (InSV), mahusay na lunas ang idlip dahil may taglay itong “Analgesic effects” o pumapawi ng mga sakit. Ayon din sa InSV, nababawasan ng pag-idlip ang pangangailangan sa mga gamot sa alta presyon. Tumutulong din ang pag-idlip sa pagpawi ng “migraine” at sakit sa kalamnan at mga kasu-kasuan.
2. Mas malusog na puso
Isang pag-aaral sa bansang Greece noong 2007 ang nagpapatunay na ang pag-idlip ng 30 minuto, tatlong beses sa isang linggo ay napabababa ng 30 percent chance na magkaroon ka ng sakit sa puso. Mahalaga ang siesta dahil pinapababa nito ang blood pressure. Pwede mo rin gamitin ang pag-idlip para mas lalong humusay sa sports.
3. Pampalakas ng resistensiya
Naapektuhan ng kakulangan sa tulog ang mga protinang panlaban sa mga virus. Naibabalik ng maikling siesta ang lebel ng mga hormones at protina na nakababawas ng stress, at tumutulong sa ating immune system. Kung sinisipon ka ngayong tag-ulan, ay marahil di ka umidlip noong tag-init.
4. Mas malikhaing pag-iisip
Tumutulong ang siesta para higit na makapag-focus at para sa maayos na memorya na nagiging dahilan para mas maging malikhain sa pag-iisip. Ang mga empleyado na nagpapahinga bago magtrabahong muli sa hapon ay mas produktibo at mas nakaiisip ng bagong ideya.
5. Mas maayos na pagtulog
Taliwas sa paniniwalang wala ka nang itutulog sa gabi pag umidlip ka, ang power nap ay higit na nakakatulong para mas maayos at masarap ang tulog sa gabi. Ang chronic insomnia, antok, at kakulangan sa tulog ay bahagi na rin ng ating buhay. Kung kaya’t upang maiwasan ito, mag-siesta pag may pagkakataon.