Abogado binayaran ng alimango


PINURI ng netizens ang abogado mula sa Sorsogon City na pumayag bayaran ng alimango ng kanyang kliyente na kapos sa pera.


Kahapon ay ipinost sa social media ni Atty. Noel Allen Bose ang larawan niya na may hawak na isang bungkos ng alimango sa labas ng korte.


Kuwento ni Bose, matapos dumalo sa pagdinig ay lumapit sa kanya ang kanyang kliyente at sinabing wala itong pambayad sa kanyang appearance fee.


Tinanong siya ng kliyente kung papayag siyang bayaran siya ng alimango.

Pumayag naman ang abogado.


“Nakakataba ng tiyan ang alimango, (at nakakamanhid ng batok) pero mas nakakataba ng puso ang inyong mga reactions sa post kong ito!” aniya.


“Gusto ko rin sanang pasalamatan lahat ng mga abogado na nagtatrabaho sa gobyerno at pribado. Hindi sila madalas magpost ng kanilang trabaho at mga pagsubok, pero di hamak na masisipag at dedikado sila sa kanilang pangakong tumulong sa kapwa Pilipino,” dagdag ng abogado.


Si Bose ay tubong-Legazpi City, Albay.


Ayon sa netizen na si Lito Oredo, isang mabuting abogado at tao si Bose.

“Mabuhay ka po sir. Sana dumami pa po ang katulad ninyo. Pagpalain ka pa po at buong pamilya mo ng Poong Maykapal,” ani Oredo.


“Thank you Atty. Bose. Busilak ang puso mo dahil naintindihan mo ang mga mahihirap.


Sana’ marami ka pang matulungan. God bless,” ayon naman kay Henelita Cabando. –A. Mae Rodriguez