Site icon Pinoy Publiko

Socrates at Alvarez: Babaeng lider, bagong panahon para sa Palawan

PALAWAN – Sa halalan sa Lunes, Mayo 12, hindi lang simpleng laban ng mga kandidato ang inaabangan sa Puerto Princesa at sa lalawigan ng Palawan—kundi ang posibilidad ng isang makasaysayang women-led leadership.

Kung parehong mananalo sina Nancy Socrates bilang mayor ng Puerto Princesa at Amy Alvarez bilang gobernador ng Palawan, ito ang kauna-unahang pagkakataon na parehong babae ang mamumuno sa dalawang pinakamatataas na posisyon sa rehiyon.

Si Socrates ang kasalukuyang vice mayor ng Puerto Princesa, samantalang si Alvarez si ang alkalde ng San Vicente.

Taglay ang platapormang Serbisyo, Puso, at Sinseridad, nangakong tututok si Socrates sa mga pangunahing pangangailangan ng mamamayan: kalusugan, edukasyon, at pang-araw-araw na suliranin tulad ng trapiko at pagbaha.

Bilang matagal nang environmental advocate, si Alvarez naman ay paiigtingin ang pangangalaga sa kalikasan, suporta sa agrikultura at maliliit na negosyo, pagpapabuti ng serbisyong medikal at edukasyon, at mas inklusibong pag-unlad sa buong Palawan.

Bagama’t mula sa magkaibang partido, kapwa sila nagpapakita ng track record sa tapat na serbisyo. Higit pa sa kasarian, ang kanilang plataporma ay nakatutok sa grassroots issues—kalusugan, kabuhayan, at kalikasan.

Ayon sa Philippine Statistics Authority, may mahigit 1.1 milyong residente ang Palawan, at tinatayang 45% nito ay kababaihan. Kung magtatagumpay sina Socrates at Alvarez, ito ay magiging malinaw na pahiwatig ng pagtitiwala ng Palaweño sa kakayahan ng kababaihan.

Ang panalong ito, kung mangyayari, ay hindi lang simbolo ng pagkakapantay-pantay sa politika kundi paanyaya sa isang pamahalaang bukas, matino, at may tunay na malasakit.

Exit mobile version