Site icon Pinoy Publiko

Pasig congressional bet Christian Sia sinisi Vico Sotto, kaalyado sa viral video

MATAPOS sisihin ang nag-upload ng kontrobersyal niyang video tungkol sa mga single parents na nireregla pa, sinisi rin ni Pasig congressional candidate Christian Sia si Pasig City Mayor at reelectionist na si Vico Sotto at mga kaalyado nito na nasa likod nito para pagtakpan ang mga totoong isyu sa syudad.

“Inililihis nila ang isyu dahil ayaw nilang sagutin ang aming hamon,” ayon kay Sia sa press release na ipinamahagi nang magpatawag ito ng press conference nitong Biyernes.

Dagdag pa ng press release, “minamaniobra umano ng kanilang mga kalaban ang isyu upang mailihis ang tunay na usapin kung saan wala umanong maisagot ang grupo ni Mayor Vico Sotto sa mga isyung inilatag nila.”

“Nakisakay naman agad sa isyu ang mga kaalyado ni Sotto at naglabas ng di-umano’y pagkondena sa biro ko pero hindi muna tinitingnan ang sariling ‘baho’ ng kanilang mga kasama sa slate,” dagdag pa ni Sia.

Ang tinutukoy na isyu na ibinabato kay Sotto ay ang diumano’y kakulangang healthcare facilities sa syudad at ang kakulangan ng mga infrastructure projects sa lungsod gayung naupo na ito sa city hall ng anim na taon.

Pinukol ng kabi-kabilang pagbatikos at pagkondena si Sia matapos mag-viral ang kanyang video kung saan makikita rito na nasa gitna siya ng campaign sortie at sabihin na pwedeng sumiping sa kanya ang mga solo parents minsan sa isang taon.

Nauna nang sinabi ni Sia na hindi dapat magalit ang publiko sa kanya kundi sa nag-upload ng video dahil hindi nito isinama ang buong video clip kung saan tumawa naman anya ang mga nanonood at nakikinig sa kanyang talumpati at joke.

Exit mobile version