Site icon Pinoy Publiko

Pag-asa sa gitna ng trahedya: Pamanang kabayanihan ng nasawing bumbero

SA kabila ng pagdadalamhati, nagsilbing inspirasyon ang kabayanihan ng isang boluntaryong hepe ng bumbero na nasawi sa sunog, ilang oras matapos niyang sagipin ang isang asong na-trap sa nasusunog na bahay.

Sa burol nito lang Martes ng gabi, nagbigay-pugay si Jose Antonio “Ka Pep” Goitia, unang nominado ng Ang Bumbero ng Pilipinas (ABP) Partylist, kay Rodolfo Baniqued, ang 52-anyos na volunteer firefighter.

Nangako si Goitia na itataguyod nito ang kapakanan ng mga bumbero at sila na boluntaryong tumutulong sa mga kalamidad at disaster, lalo pa kung makakakuha ng pwesto sa susunod na Kongreso.

Tiniyak ni Goitia sa pamilya ni Baniqued na ang kanyang sakripisyo ay hindi masasayang at gagamitin itong inspirasyon sa adbokasiya ng ABP para maisulong ang mas mataas na hazard pay, libreng serbisyong medikal, mas maayos na kondisyon sa trabaho, at insurance coverage para sa mga bumbero.

Sa kanilang pag-uusap, ibinahagi ng ama ni Rodolfo, si Rolando Baniqued, na mahigit 20 taon nang naglilingkod bilang boluntaryong bumbero ang kanyang anak. Maging ang kanilang buong pamilya ay aktibong bahagi ng komunidad ng bumbero, kahit wala silang natatanggap na benepisyo mula sa gobyerno.

“Nag-aambag kami ng sariling pera para sa gasolina at nanghihingi ng donasyon para lang makaresponde sa sunog,” ani Rolando.

Isa sa kanilang hiling ay ang breathing apparatus para sa mas ligtas na pagpasok sa nasusunog na gusali.

Tiniyak ni Goitia na isusulong ng ABP ang mga repormang magbibigay ng sapat na proteksyon at suporta sa mga bumbero, kabilang ang Firefighters’ Welfare Act at Fire Equipment Modernization Bill.

Ang sakripisyo ni Rodolfo Baniqued ay nagsilbing inspirasyon sa ABP upang ipaglaban ang mas ligtas at makatarungang kalagayan para sa mga bumbero at boluntaryong tagapagligtas. (Marisa Son)

Exit mobile version