KINUWESTYON ni Puerto Princesa City vice mayoralty bet Jimbo Maristela ang city government sa hindi umano maayos na paggamit nito sa P349 milyong special education fund.
Sa kanyang vlog, tinukoy ni Maristela ang Commission on Audit observation report noong 2023 kung saan tinukoy ng ahensiya ang sinasabing “underutilized” at hindi epektibong paggamit ng lokal na pamahalaan sa P349 pondo ng SEF.
Anya, may mga school building sa San Miguel National High School na pinondohan mula sa SEF noong 2022 ngunit hanggang ngayon ay nakatengga lamang.
“Ang pondo ng Special Education Fund base sa COA Audit Observation Report ng 2023 ay umaabot ng mahigit P349 milyon, at malaking bahagi nito ay hindi nagagamit. Umaabot sa P240 milyon ang unprogrammed,” ani Maristela sa kanyang vlog.
Bukod pa rito, mahigit P40 milyon mula sa SEF ng 2022 ang hindi pa rin napatutupad ng city government, kabilang na rito ang P6 milyon na pondo para sa isang school building na dapat itatayo sa San Miguel National High School.
“At ang masakit pa nito, doon sa mga na-program na proyekto na pinondohan mula sa Special Education Fund base sa COA Audit Observation Report, umaabot sa mahigit P40 milyon ang hindi pa naipatutupad ng Pamahalaang Panlungsod ng Puerto Princesa.
“Dapat sana ang mga school buildings, classrooms, at iba pang kagamitang kailangan ng ating mga mag-aaral ay napapakinabangan na ng kabataang estudyante sa lungsod,” dagdag pa ni Maristela.