ISA sa maigting na pagtutuunan ng pansin ng FPJ Panday Bayanihan party-list ay ang pagpapataas pa ng pondo pa sa edukasyon.
Ito ang pangako ni FPJ Panday Bayanihan party-list first nominee Brian Poe Llamanzares sa sandaling makasungkit ng pwesto ang grupo sa darating na halalan sa Mayo.
Ayon kay Llamanzares, dapat itaas pa ang pondo para sa program sa edukasyon dahil ito ang pundasyon ng mas masiglang ekonomiya na ang mga kabataan ang magtataguyod.
Ginawa ni Llamanzares ang pahayag sa harap ng mga mag-aaral ng Virgen Milagrosa University Foundation, Inc. sa San Carlos, Pangasinan nitong Biyernes.
Ayon kay Llamanzares, layunin ng kanilang partido na tiyakin ang kabataang Pilipino ay magkakaroon ng sapat na mapagkukunan at oportunidad upang maabot ang kanilang buong potensyal.
Ibinahagi rin nito ang mga inisyatibang naglalayong palawakin ang access sa de-kalidad na edukasyon, lumikha ng mas maraming oportunidad sa trabaho, at isulong ang pagnenegosyo.
“Naniniwala kami sa kapangyarihan ng edukasyon upang baguhin ang buhay,” pahayag ni Llamanzares, anak ni Senador Grace Poe.