Kandidatong sexist sa MisOr wanted na rin sa Comelec

WANTED ngayon sa Commission on Elections (Comelec) ang reelectionist na gobernador mula sa Misamis Oriental na si Peter Unabia matapos ang kontrobersyal na pahayag nito tungkol sa mga babaeng nurse.

Ayon kay Comelec Chair George Garcia, isang show cause order ang ilalabas ng komisyon laban kay Unabia para pagpaliwanagin ito tungkol sa kanyang naging pahayag sa isang campaign sortie nitong Huwebes tungkol sa scholarship grant para sa mga nurse na ang dapat makinabang ay mga babae lamang na magaganda.

Una na ring naglabas ng show cause order ang Comelec laban sa congressional bet sa Pasig City na si Christian Sia na nagpahayag naman na ang mga single mother na nireregla pa ay pwedeng sumiping sa kanya.

“Sexist remarks and gender discrimination have no place in a civilized society, more so in a political campaign. We will not stop issuing show cause orders until somebody is punished,” pahayag ni Garcia.

“I will sponsor next week a resolution for en banc consideration declaring campaign rallies, caucuses, polling places, precincts and canvassing centers and online election platforms as safe spaces to strengthen our anti-discrimination guidelines,” dagdag pa niya.