TULUYAN na nga kayang inilaglag na ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas si senatorial reelectionist Imee Marcos matapos hindi ito banggitin bilang kandidato ng grupo sa katatapos lang na rally ng administasyon sa Cavite nitong Biyernes.
Hindi dumalo si Imee sa nasabing rally gaya ni Las Piñas Rep. Camille Villar. Gayunman, si Imee lang ang hindi binanggit sa endorsement speech ni Pangulong Bongbong Marcos.
Sa isang panayam ng GMA News Online sa senadora, sinabi na hindi umano problema sa kanya kung hindi siya nabanggit sa rally.
Matatandaan na bago ang rally, nagpatawag ng pagdinig nitong Huwebes ang Senate committee on foreign affairs na pinangungunahan ni Imee hinggil sa diumano’y kuwestyunableng pag-aresto at pagsuko kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court.
Bago ang hindi pagsipot ni Imee sa vote-rich na lalawigan ng Cavite, hindi rin dumalo ang kapatid ng pangulo sa rally ng alyansa sa Tacloban City sa Leyte dahil sa diumano’y hindi niya matanggap ang ginawang pag-aresto kay Digong.