Grace Poe sa kandidato: Emergency alert ‘wag gamitin sa kampanya

DISMAYADO si Senadora Grace Poe sa mga pulitikong ginagamit ang emergency alert para lang maisulong ang kanilang personal na interest ngayong nalalapit ang halalan.

Dahil dito, nanawagan si Poe sa mga ahensya ng gobyerno at mga kumpanya ng telekomunikasyon na agad na aksyunan ang pang-aabuso sa emergency alerts na posibleng magdulot ng pangamba sa publiko.

Ginawa ni Poe ang pahayag matapos ang balitang ginagamit ang Emergency Cell Broadcasting System (ECBS)—na karaniwang inilaan para sa mga sakuna—sa pagpapakalat ng mga campaign message ng ilang kandidato sa pamamagitan ng SMS blasts.

“Ang ganitong insidente ay hindi lamang nakokompromiso ang integridad ng emergency alert system, kundi maaaring magdulot din ng banta sa ating kaligtasan at seguridad lalo na kung magamit ito ng mga hacker para magpakalat ng pekeng balita,” ayon kay Poe.

“Concerned government agencies and telecommunications firms must seriously address this vulnerability in the system infrastructure to prevent further exploitation by those with evil intentions,” dagdag pa ng senador.

Kasabay nito, nanawagan din si Poe na habulin at sampahan ng kaso ang mga hacker na lumalabag sa batas gamit ang ECBS.

Pinaalalahanan din niya ang mga kandidato na disiplinahin ang kanilang mga tagasuporta at tiyaking patas at tapat ang kanilang kampanya upang mapanatiling malinis at kapani-paniwala ang halalan.