Goitia muling binatikos ang China sa pag-angkin sa Palawan

MULING kinondena ni Jose Antonio Ejercito Goitia, Chairman Emeritus ng Filipinos Do Not Yield Movement, ang patuloy at tahasang pagpapahayg ng China na sa kanila ang Palawan.

Ayon kay Goitia, katawa-tawa ang pahayag na ito ng China at isang “tahasang paglabag sa pandaigdigang batas”.

Anya, bukod sa walang batayan, isa ring “pang-iinsulto sa kaalaman ng mga Pilipino tungkol sa kanilang sariling kasaysayan at kultura” ang pag-angkin ng China sa Palawan.

Kinatawan ni Goitia ang iba’t ibang makabayang organisasyon, kabilang ang People’s Alliance for Democracy and Reform (PADER), Alyansa ng Bayan para sa Kapayapaan at Demokrasya at at Liga Independencia Pilipinas (LIPI).

Iginiit niya na ang naturang pag-aangkin ay direktang sumasalungat sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), isang kasunduang nilagdaan mismo ng China.

Dagdag pa niya, ang patuloy na pagpapalawak ng Csina ay isang banta sa soberanya at teritoryal na integridad ng Pilipinas.

“Ang pang-aapi na ating nararanasan mula sa isang bansang minsan nating itinuring na malapit na kaalyado sa kalakalan at pagpapalitang kultural ay hindi matatawaran,” ani Goitia, na ipinagdadalamhati ang pagkawala ng daan-daang taong relasyon batay sa respeto at tiwala.

Binatikos din ni Goitia, Presidente at unang nominado ng Ang Bumbero ng Pilipinas Party List (ABP Party List), ang istorikal na rebisyonismo ng Csina, na aniya’y nililihis ang katotohanan upang bigyang-katwiran ang agresyon nito sa teritoryo ng Pilipinas.

“Kahiya-hiya kayo sa pagtataksil sa kabutihang-loob ng inyong mga ninuno, na itinuring ang mga Pilipino bilang malalapit na kaibigan simula pa noong nagsimula ang ating kalakalan daan-daang taon na ang nakalipas,” aniya.

Mariin ding kinondena ni Goitia ang mga aksyon ng Tsina sa West Philippine Sea, partikular ang pananakot sa mga mangingisdang Pilipino at mga tauhan ng militar.

Pinuna rin niya ang mga mapanlinlang na kasunduang pang-ekonomiya noong administrasyong Duterte, na ginamit umano bilang pantabing sa patuloy na pag-angkin ng teritoryo.

“Dapat nang wakasan ang kalokohang ito. Hindi namin papayagan na agawin ninyo ang aming soberanong teritoryo at baguhin ang kasaysayan upang itulak ang inyong expansionist agenda,” babala niya, habang pinagtitibay ang paninindigan ng bansa laban sa tahasang pambabalewala ng Tsina sa soberanya ng Pilipinas.