Site icon Pinoy Publiko

Goitia iginiit karapatan, kapakanan ng bumbero sa Pinas

SINO ang sasagip sa mga tagapagligtas nating bumbero kapag kaligtasan at buhay nila ang naging kapalit sa pagsuong sa panganib kapag may sunog.

Ito ang tanong na nag-udyok kay Dr. Jose Antonio”Ka Pep” Goita, first nominee ng Ang Bumbero ng Pilipinas (ABP) party-list na balak kumatawan sa mga bumbero, fire rescuers at volunteers sa darating na eleksyon sa Mayo 2025.

Ayon kay Goitia, nakikita niya ang malaking sakripisyo ng mga bumbero, fire rescuers at volunteers para makapagligtas ng buhay at kabuhayan sa pamamagitan pagresponde at pagsuong sa panganib.

Anya, ang sakripisyong ito ay dapat suklian din ng pamahalaan, lalo na sa sandaling sila na mismo ang naaksidente.

“Dapat ng pagtuunan ng pansin ang ganitong sitwasyon at hindi dapat ipagwalang-bahala lalo na sa panahong sila naman ang lubos na nangangailangan ng tulong,” ayon kay Goitia sa isang kalatas.

“Nararapat lamang na matugunan ang kanilang mga pangangailangan sa sandaling sila ang nasa panganib na kondisyon,” dagdag pa nito.

Sa ngayon anya ay maliit lamang ang hazard pay na natatanggap ng mga bumbero habang ang iba ay walang accident o life insurance coverage kung kayat sa sandaling oras ng kanilang pangangailangan ay sila na mismo ang sumasagot sa kanilang gastusin o kaya ay humihingi ng donasyon para makabayad sa ospital.

“Hindi makatarungan ang mababang hazard pay kumpara sa mga sakrispisyong ginagawa nila. Sila ang tumatakbo papasok sa nagliliyab na gusali habang lahat ay tumatakbo palabas” saad ni Goitia.

“Maraming bumbero ang walang maayos na accident at life insurance mula sa gobyerno kaya kung sila naman ang maaksidente at mamatay sa tungkulin ay hindi sapat para matustusan ang kanilang matagal na gamutan o masuportahan ang kanilang mga naiwang mga mahal sa buhay,” dagdag pa nito.

Kung kaya, isinusulong ng ABP ang panukalang pagpapatupad ng Firefighters’ Protection and Welfare Fund na magtitiyak na makakatanggap ng libreng pagpapagamot, benepisyo sa ospital at pinansyal na tulong ang mga bumbero, fire rescuers at volunteers na nasugatan habang rumeresponde sa mga sunog.

Kabilang din dito ang panukalang disability support at mental health care para sa mga nakaranas ng trauma sa pagtupad sa kanilang tungkulin.

“Dapat na tratuhin silang mga bayani at hindi sapat na tawagin lamang silang bayani,” ayon pa kay Goitia.

Layunin din ng ABP ang pagbibigay ng mas maayos na pagsasanay at tuloy-tuloy na training upang mas maging handa ang mga itos sa pagresponde sa mga sakuna, de -kalidad na kagamitan upang mas mabawasan ang panganib at mas ligtas na kundisyon sa trabaho. (Maria Son)

Exit mobile version