Coco Martin ikakampanya FPJ Panday Bayanihan

HINDI lang pag-endorso ang ginawa ng aktor na si Coco Martin para sa party-list group na FPJ Panday Bayanihan, kundi nangako rin na ikakampanya itong mabuti para matiyak ang panalo ng grupo.

Sa isinagawang proclamation rally ng FPJ Panday Bayanihan kamakailan sa Pangasinan, kasama si Coco sa motorcade na lumibot sa bayan ng Calasiao, Dagupan, Sto. Tomas, Basista at San Carlos, na dinaluhan din ni Senador Grace Poe at first nominee ng grupo na si Brian Poe Llamanzares.

“Ang partylist po na FPJ Panday Bayanihan, ginawa po ito para maglingkod at tumulong po sa lahat ng mga Pilipino dahil alam po natin ang pinagdadaanan ng buong mundo at ng buong bansa natin,” pahayag ni Coco.

Ibinida rin ng Batang Quiapo star ang magagandang bagay na nagawa ng FPJ Panday Bayanihan, dahilan para dapat papanalunin ito sa darating na halalan.

“Napakaraming bagay na po ang nagawa ng FPJ Panday Bayanihan Partylist, hindi pa naman ito naging partylist, tumutulong na sila sa lahat ng pinagdaraanan ng mga Pilipino,” dagdag pa ng aktor.

“Kaya andito po kami ngayon. Andito po ako ngayon sa inyong harapan para sabihin po sa inyo na isa po ako sa katulong nila upang ipaglaban ang lahat ng mga Pilipino,” hirit pa nito.

Bukod kay Llamanzares, ang dalawa pang nominee ng grupo ay sina Mark Patron at Hiyas Dolor.

Ito ang unang pagkakataon na sasabak sa halalan ang FPJ Panday Bayanihan simula nang maitatag ito noong 2013.